Artista na si Jolina Magdangal, labis ang kasiyahan sa kanyang pagbabalik sa pag-arte dahil sa paparating na serye ng ABS-CBN na “Lavender Fields.”
Nitong Huwebes, ibinahagi ni Jolina Magdangal ang kanyang naramdaman matapos mapanood ang trailer na nagpakilala sa kanyang karakter sa drama na produksyon ng Dreamscape Entertainment.
“Nakilig ako. Kasi kapag nasa taping ka hindi mo naman alam paano ang kakalabasan. Alam mo lang ay ginawa mo ‘yung role na ibinigay sa iyo. Pero pala kapag napagsama-sama siyang ganoon, parang iba rin ‘yung feeling nu’ng excitement at fulfillment na ibibigay sa iyo. Eh first time ko gumawa ng ganitong series na role at mga eksena kaya natutuwa ako at nae-excite pa ako sa mga susunod pang mangyayari,” pahayag ni Magdangal sa isang eksklusibong panayam sa ABS-CBN News.
Dahil sa pagkahilig ng Aktres sa panonood ng mga serye sa TV, ibinahagi niya kung ano ang nagtulak sa kanya na tanggapin ang proyekto. “Parang ngayon any role ang maibigay sa iyo sa isang teleserye dapat paniwalaan mo na parte ka nito at pagbutihan mo kasi bawat isa sa inyo ay may kailangan para mabuo ang isang istorya everyday. Kaya sabi ko I think it’s time. Tapos nalamaan ko pa na ganito ng mangyayari mas lalo na. ‘Game na po, taping na po’ parang ganoon,” ayon kay Magdangal. Sa serye, gagampanan ni Jolina Magdangal ang karakter ni Lily Atienza, ang best friend ni Iris na ginagampanan naman ni Janine Gutierrez.
“Loyal ako rito. Si Lily ay loyal dahil malaki talaga ang naitulong pamilya nila Iris kung paano kami nabuhay ng family ko hanggang sa nagkaroon ako ng sarili kong family. At ang utang na loob ay dapat tinatanaw ‘yun ay isang weight para maging loyal ka talaga. Pero ang dilemma ni Lily hanggang saan ka pwede maging loyal?” dagdag pa niya
Ibinahagi rin ni Magdangal na tulad niya, labis na nai-excite at proud din ang kanyang dalawang anak at asawa, si musician Mark Escueta, sa kanyang pagbabalik sa pag-arte.
“Sila ang tunay na nagbibigay ng lakas sa akin kahit pagod na pagod, dahil sa pagbibigay mo ng buong puso sa bawat eksena. … super silang proud at wala akong problema pagdating sa aking pamilya,” sabi ni Magdangal.
Ang “Lavender Fields” ay magiging available sa Netflix sa Agosto 30 at sa free TV sa Setyembre 2.