Hindi lang sa pagpapasaya sa mga manonood ng “It’s Showtime” nag-excel si Jhong Hilario. Kamakailan lang, nagtapos siya ng Master’s Degree sa Public Administration mula sa World Citi College, isang patunay ng kanyang dedikasyon sa pag-aaral at paghahanda para sa isang posibleng karera sa serbisyo publiko.
Sa commencement exercises na ginanap sa PICC Plenary Hall noong Huwebes, masayang tinanggap ni Hilario ang kanyang diploma kasama ang kanyang ina, asawa, at anak.
Sa isang panayam sa ABS-CBN News, ibinahagi ni Hilario ang kanyang karanasan sa pagtatapos ng kanyang Master’s program. “Modular program ito, kaya’t kailangan kong pag-aralan ang mga modules at mag-research ng mga aklat,” wika niya. “Kailangan pa naming maghanap ng ilan sa mga aklat sa iba’t ibang lugar.”
Kinilala rin niya ang mga sakripisyo na kailangang gawin, sa pagsasabay ng kanyang abalang schedule bilang konsehal sa Makati City, host, at ama.
“Hindi ito madali, ngunit determinado akong tapusin ito,” ayon sakaniya. “Nagpapasalamat ako sa suporta ng aking pamilya at ng pamilya ng ‘Showtime’.”
Ang kanyang dedikasyon ay nagbunga ng “highest merits” sa kanyang pagtatapos. “Bonus ito,” aniya. “Ang mahalaga ay nakapagtapos ako.”
Binigyang-diin ni Hilario ang kahalagahan ng time management sa pagsasabay ng kanyang iba’t ibang tungkulin.
Photo Courtesy: Sarina Hilario/Instagram Post