Pumalo na sa P100,000 ang gantimpala sa makakapag turo sa identidad at kung nasaan ang kinaroroonan ng salarin ng pagpatay sa Philippine Eagle na si “Mangayon”.
Matatandaan nitong ika-8 ng Hulyo, nakita ng mga miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang raptor na may tama ng bala sa kaliwa nitong pakpak sa Compostela town, Davao de Oro province. Namatay ang raptor sa parehong araw kung saan ito ay kasalukuyan pang ginagamot dahil sa kawalan ng dugo.
Ang Davao De Oro Governor na si Dorothy M. Gonzaga ay nanawagan sa publiko upang mag-alok ng reward na P50,000 para sa anumang impormasyon na maaaring humantong sa pag-aresto sa suspek. Ito naman ay sinundan ni Environment Secretary Maria Antonio Yulo-Loyzaga na dinagdagan pa ng P50,000 para sa makapagtuturo ng identidad ng salarin.
Sa pahayag na inilabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Davao noong Lunes, Hulyo 29, ang karagdagang pabuya ay inialok sa pag-asang mapabilis ang pagsisikap na mahanap ang salarin.
Ayon sa necropsy results na isinagawa sa raptor, napag-alaman na ang raptor ay isang malusog na lalaking agila at ito ay nasa mabuting kondisyon. Ang pangunahing sanhi ng kamatayan ay malubhang pagkawala ng dugo mula sa mga sugat sa kaliwang pakpak, na may mataas na posibilidad ng sepsis na nagmula sa mga pinsala ng nasabing tama ng bala.
Si Mangayon ang ika-20 Philippine eagle na nailigtas mula noong 2020, at ang ikaapat para sa taong ito, ayon sa Philippine Eagle Foundation.
Photo Courtesy: Philippine Eagle Foundation