Ngayong umingay ang larangan ng sports sa social media dahil sa tagumpay ni Carlos Yulo sa Paris Olympics 2024, tila pagkakataon na rin para muling pagtuunan ang isyu ng kakulangan ng pondo sa ibang sports sa bansa. Madalas, ang mga sports na hindi kilala tulad ng gymnastics, weightlifting, fencing, at track and field ay napapabayaan at hindi nabibigyan ng nararapat na suporta.
Hindi sapat na magpugay tayo sa kanila kapag may medalya na silang bitbit; dapat ay bigyan natin sila ng pantay na pondo at atensyon mula sa simula.
Ang “Proud to be Pinoy” na nararamdaman natin kapag nananalo ang mga atleta ay hindi dapat nagtatapos sa selebrasyon. Bakit ba basketball at volleyball lang ang palaging nasa spotlight? Oo, magaling tayo dyan at sikat na sikat ang larangan na ito, pero hindi lang doon umiikot ang talento ng mga Pilipino.
Ang halimbawa na lamang ay si Carlos Yulo, Hidilyn Diaz, EJ Obiena at ang iba pang mga atleta sa mga sports na hindi gaano ka-hype pero nagbibigay sa atin ng karangalan. Bakit hindi natin sila bigyan ng sapat na suporta? Hindi ba’t nakakapagtaka sa atin na ang mga sports na hindi sikat at hindi pinopondohan ng gobyerno ang siyang nagbibigay sa atin ng mga dahilan para sumigaw ng “Proud to be Pinoy!” Ang mga tunay na bayani natin, yung mga hindi napapansin pero nagbubuhos ng dugo’t pawis para sa ating bandera, ay sila pang hindi nabibigyan ng nararapat na pondo. Pag nanalo sila, sabay-sabay tayong magche-cheer, pero kapag nangangailangan sila ng suporta, tahimik ang lahat.
Dapat pantay-pantay ang atensyon at pondo sa lahat ng sports. Hindi porket hindi sikat ang isang sport, hindi na ito mahalaga. Kailangan nating mag-invest sa lahat ng aspeto ng palakasan para mas marami pang Pilipino ang magtagumpay at magbigay ng karangalan sa ating bansa.
Kaya, mga kaibigan, panahon na para ipakita natin sa mundo na kaya ng Pilipino sa lahat ng larangan ng palakasan, hindi lang sa basketball at volleyball. Ibigay natin ang nararapat na suporta at pagkilala sa ating mga atletang nagbibigay karangalan sa ating Inang Bayan!
Sulong, Pilipinas!