Sa kabila ng pananalasa ng bagyong Carina at ang paglakas ng habagat sa ilang bahagi ng Luzon, nanindiganang isang grupo ng mga magsasaka na hindi dapat tumaas ang presyo ng bigas.
Ayon kay Jayson Cainglet, executive director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), hindi dapat sisihin ang bagyo sa anumang pagtaas ng presyo ng bigas dahil sapat ang suplay at hindi naman naapektuhan ang ani.
“Yung presyo ng bigas ay sana ‘wag sisihin itong bagyo dahil nakaharvest tayo… nandyan ‘yung stocks,” paliwanag ni Cainglet sa isang panayam sa TeleRadyo Serbisyo’s Story Outlook.
Tiniyak ni Cainglet na walang mga bodega o warehouse ng bigas ang nasira dahil sa bagyo.
Nanawagan siya sa mga nagtitinda na huwag samantalahin ang sitwasyon at magtaas ng presyo ng bigas.
“Wala naman tayong nabalitaang nasirang bodega o mga warehouse [ng bigas]. Sana wala rin magsamantala at sasabihin na tataas ang presyo ng bigas dahil sa bagyo,” aniya.
idiniin ni Cainglet na ang mga magsasaka ay nakatapos na ng pag-aani at maraming bigas ang nakaimbak sa mga bodega.
“Yung sa isda at mga gulay natin, marami talagang mga nasira at hindi nakabiyahe paluwas ng Maynila.
Pero ‘yung bigas, lahat po ‘yan nasa bodega. Wala po talagang dapat na dahilan sa pagtaas ng presyo,” dagdag niya.
Samantala, nananawagan ang SINAG sa Department of Agriculture (DA) na bigyan ng agarang tulong ang mga magsasaka upang hindi maaapektuhan ang kanilang pag-aani sa huling bahagi ng taon.
“Panawagan natin kausap naman natin ang DA ngayon, ‘yung agaran pong pagbibigay ng binhi (rice seed) at po maibigay agad para hindi rin po masira ang ating kalendaryo para pagpatak ng fourth quarter ng taon, makaka-ani tayo ulit,” pahayag ni Cainglet.
Photo Courtesy: Department Of Agriculture