7 Chinese National arestado sa entrapment operation ng NBI

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong Chinese national na sangkot sa credit card fraud at nagtangka pa umano itong suhulan ng P1.5 milyon ang operatiba ng naturang ahensya. 

 

Ang mga naaresto na sina Sun Jie, Lee Ching Ho, Jenny Pan, Zhao Zheng, Dong Jangua, Yuan Bien at Shap Wen Hu ay iniharap ni NBI Director Jaime Santiago sa media kasunod ng kanilang isinagawang intrapment operations sa Parañaque at Quezon City.

 

Lumalabas  na bahagi ang grupo ng Transnational Organized Crime na nag-o-operate sa Pilipinas, kabilang sa mga iligal na mga aktibidad na kanilang ginagawa ay ang vishing, smishing, phishing, click-baiting, pretexting, at whaling na nagreresulta umano sa paggamit ng credit card nang hindi nalalaman ng kanilang mga biktima, ito ay base sa imbistigasyon ng NBI.

 

Ayon kay Santiago, isinagawa ang entrapment operation dahil maraming reklamo ang mga indibidwal ukol sa mga nagka- cashout na pera ng mga suspek mula sa credit card ng mga biktima sa pamamagitan ng Point of Sale device (POS) at nag-aalok din umano ang grupo ng 20% ng halaga sa mga kasabwat kapag na-convert na ito sa cash.

 

Kasama ring nakumpiska sa mga suspek ang ilang mga baril at mga high grade na granada.

 

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act. No. 11449 (Access Devices Regulation Act) at Article 212 of the Revised Penal Code (Corruption of Public Officials) sina Sun Jie at Lee Ching Ho habang paglabag naman sa RA No. 10591 (Comprehensive Firearm and Ammunition Act) at Article 212 of the Revised Penal Code ang inihain laban sa lima pang suspek.

 

Photo Courtesy: National Bureau of Investigation