Naabutan nang walang buhay ang isang security guard sa main gate ng Zamboanga State College of Marine Sciences and Technology (ZSCMST), Barangay Rio Hondo, Zamboanga City, madaling araw ng Hulyo 26.
Nakatanggap ng tawag ang PS11 Hotline mula sa Marine Battalion Landing Team (MBLT) matapos madatnan ang bangkay ng sekyu ng alas dos ng madaling araw.
Ang security guard na nakita ay kinilala bilang si Jerome Gumanggad y Dumayog, tatlongpu’t dalawang taon mula sa Tumaga, Zamboanga City.
Nadatnan na may sugat at puno ng dugo ang parte ng ulo nito, na kalauna’y idineklarang ‘dead on arrival’ ng alas tres ng umaga, ayon sa attending Physician na si Dr. Richmond Rombo ng Zamboanga City Medical Center.
Batay sa imbestigasyon ng PS11 Investigation Section at IOC, nakita pa ang Facebook account ng biktima na naka-live matapos ang insidente.
Namataan din ang isang 9MM model 2010 na baril na may nilalaman na five live ammunitions.
Ayon sa Scene of the Crime Operatives, ang baril ay pagmamay-ari ng biktima na si Dumayog.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon at kasalukuyan namang inaalam ng SOCO ang dahilan nang pagkamatay ng sekyu.
Photo Courtesy: Google Maps