Sa kabila ng pagiging bukas sa pagtulong sa kapwa partikular sa panahon ng bagyo, nilinaw ng aktor na si Gerald Anderson sa isang panayam sa entertainment media nitong nakaraang Miyerkules na wala siyang balak pasukin ang pulitika at sapat na ang kaniyang pagiging artista upang makapaghatid ng tulong sa mga kababayan na nangangailangan.
Matatandaan na nag-trending kamakailan ang aktor sa ginawa nitong paglusong sa baha upang matulungan ang mga taong nasalanta ng bagyong Carina, dahilan upang maantig ang puso ng mga tao at paulanan siya ng papuri ng mga ito.
“Nakakatulong naman tayo and I’m so blessed. I’m so blessed na nandito kayo. 19 years na rin ako sa industriya grabe ang tulong ng media sa akin, for my shows, for my projects. Okay na ako sa ganito because I still have the opportunity para makatulong sa iba,” saad ng aktor.
“Also, isa sa mga motivation ko is to work harder to maintain or to keep my celebrity status kasi ang laking tulong niya talaga and as much as possible ginagamit ko ng tama,” dagdag pa nito.
“Aaminin ko may mga kaibigan din akong pulitiko, may mga nakakausap din ako sa iba’t ibang projects na ginagawa ko, ‘yung power talaga is there. Kung gusto mo talaga tumulong, nandoon ‘yung power, nandoon ‘yung opportunities. Ang swerte ko lang dahil sa pagiging celebrity ko ay nandoon din ‘yung power, nandoon ‘yung influence at ginagamit ko lang sa tama,” sagot naman ng aktor nang tanungin kung bakit wala siyang balak pasukin ang mundo ng pulitika.
“Kung hindi ako artista sa tingin mo magtetrending ‘yung ginawa ko, hindi ‘diba? Nagkataon artista ako, na-picturan, na-videohan, but that also inspires so many other people. Ganoon lang yung tinitingnan ko na influence ko,” wikang muli ni Anderson.
Sa nasabing panayam ay kaniya ring ibinahagi na hindi nya itinuturing ang sarili bilang isang bayani sapagkat ang totoong bayani ay makikita sa kaniyang nalalapit na teleseryeng ‘Nobody’.
Photo courtesy: Cosmo PH