5.1M botante, inalis ng Comelec sa listahan

Tumatayang umabot ng 5.1 milyon ang mga rehistradong botante ang tinanggal ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang listahan matapos malaman na ang ang iba rito ay hindi na aktibo.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, mas mataas pa ang bilang ng mga naalis na botante kaysa sa mga dagdag na mga rehistradong botante na umabot lamang ng tatlong milyon.

Ang mga ini-alis sa listahan ay mga botanteng doble-doble ang rehistrado mula sa iba’t ibang  munisipalidad, hindi bumoto sa dalawang magkasunod na taon o kaya naman ay mga namayapa na.

Dagdag pa rito ay ang pagkakawala ng Filipino Citizenship o kaya naman ay utos ng korte ang dahilan ng pagtatanggal sa mga botante.

Batay kay Chair Garcia, ang Election Registration Board ay nakakalap ng 5, 105, 501 na kabuuang bilang ng deactivated voters at umabot naman ng 248, 972 na katao ang binura na sa national list ng Comelec.

Noong ika-20 ng Hulyo, umabot naman sa bilang ng 409, 329 ang mga botanteng nagpasa para sa reactivation ng kanilang mga registration ID.

Inaasahang matatapos ang pagpapa-rehistro sa buwan ng Setyembre, matapos ang anim na buwang pamamalakad nito.

Sa susunod na taon, tatlong eleksyon ang magaganap, kabilang ang local at national elections sa buwan ng Mayo. Samantalang idinagdag na rin sa susunod na taon ang Barangay Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gaganapin naman sa buwan ng Disyembre.

 

Photo Courtesy: Commission on Elections